Paggunita sa Undas gawing virtual na lamang ayon kay Sen. Imee Marcos
Inihayag ni Senadora Imee Marcos ang tatlong opsyon na maaaring gawin ng publiko sa ligtas na paggunita ng Undas, partikular ang maaga o ipinagpaliban na pagpunta sa mga sementeryo o kaya nama’y gawing ‘virtual’ na lamang.
Sa gitna ito ng utos ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mga local government unit (LGU) na ipasasara ang lahat ng sementeryo sa Metro Manila at iba pang mga lugar na may mataas pa ring kaso ng COVID-19, para iwas sa hawahan.
Dahil dito, ipinakakasa na agad ni Marcos sa LGUs ang mga ‘guidelines’ na susundin ng publiko sa pagtungo sa mga sementeryo ngayong Oktubre at kahit lampas na ng All Souls’ Day sa November 2.
Sinabi ni Marcos na maaaring gawin nag “e-padasal o e-pamisa” sa mga simbahan o mga pari sa pamamagitan ng online apps.
Sa iba’t-ibang sementeryo, gaya sa Manila Memorial Park (MMP) sa Paranaque, may “virtual dalaw” kung saan magbabayad ang mga kamag-anak ng may puntod sa paglilinis, pagtulos ng kandila, paglalagay ng bulaklak, at pagpintura ng mga nitso.
Ipapadala naman ng management ng sementeryo ang video sa pamilya ng mga yumao kapalit ng bayad sa nasabing mga serbisyo sa kanilang mga kliyente. (Dang Garcia)