16 na kaso ng UK variant ng COVID-19 kinumpirma ng DOH
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroong na-detect na labinganim na kaso ng UK variant (B.1.1.7) ng COVID-19 sa bansa.
Batay ito sa isinagawang biosurveillance activities ng DOH, UP-Philippine Genome Center (UP-PGC) at UP-National Institutes of Health (UP-NIH) mayroong 16 na dagdag na UK variant ng COVID-19 cases.
Sa nasabing bilang, 12 ay mula sa Bontoc, Mountain Province.
Kabilang dito ang 7 lalaki at 5 babae. 3 ay edad 18 pababa at 3 ang edad 60 pataas.
Ayon sa DOH agad nagsagawa ng contact tracing sa mga kaso.
Nagsasagawa na din ng imbestigasyon para malaman ang exposure at travel histories ng mga pasyente.
Dalawa naman sa mga pasyenteng may B.1.1.7 variant ay returning overseas Filipinos (ROFs) na dumating sa bansa noong December 29, 2020 galing Lebanon.
Ang Lebanon ay kasama sa mga bansang sakop ng pinaiiral ng travel restrictions dahil sa B.1.1.7 variant.
Ang dalawa ay sakay ng Philippine Airlines flight PR 8661 na kinabibilangan ng isang 64-anyos na babaeng residente ng Jaro, Iloilo City.
Isinailalim ito sa isolation sa San Juan, Metro Manila at na-discharge noong January 9.
Ang isa pa ay 47-anyos na babae na residente ng Binangonan, Rizal at isinailalim sa quarantine sa New Clark City at nakalabas noong January 13.
Ang dalawa pang B.1.1.7 variant cases ay na-detect sa La Trinidad, Benguet at sa Calamba City, Laguna.
Kapwa sila walang exposure at travel history sa labas ng bansa.
Isa sa kanila ay naka-admit sa Benguet Temporary Treatment and Monitoring Facility, habang ang isa na 23-anyos na lalaki ay nakalabas na matapos mag-negatibo na sa COVID-19 noong January 16.
Ayon sa DOH, sa 16 na bagong kaso ng B.1.1.7, 3 ang gumaling na, 13 ang active cases pa kung saan 3 ang asymptomatic at 10 ang mayroong mild symptoms.
Nanawagan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na istriktong bantayan na istriktong imonitor at pairalin ang quarantine protocols sa kain-kanilang nasasakupan. (D. Cargullo)