P500M halaga ng mga luxury vehicles na hinihinalang smuggled natuklasan sa showroom sa QC at Pampanga
Nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Bureau of Customs-Manila International Container Port, National Bureau of Investigation, at Philippine Coast Guard sa dalawang showroom ng mga magagarang sasakyan sa Xavierville, Quezon City at sa San Simon, Pampanga.
Pinaghihinalaan kasing may mga smuggled na sasakyan sa dalawang showroom na nagkakahalaga ng P500,000,000.
Nakatanggap ng intelligence report ang BOC na pawang smuggled ang mga luxury car ma malatago sa dalawang showroom kaya nagpalabas ng Letter of Authority (LOA) ang BOC sa dalawang pasilidad.
Sa bisa ng LOA at Mission Order pinasok ng team ng MICP Customs Intelligence and Investigation Service, NBI, at PCG Task Force Aduana ang dalawang showroom at nadiskubre ang magagarang sasakyan gaya ng Lamborghini at Ferrari, at mga big bike gaya ng Ducati.
May mga nakita ring bulletproof sports utility vehicles, customized sports cars, trucks, boats, at iba pa.
Lahat ng sasakyan ay pawang walang karampatang importation documents.
Binigyan ng 15-araw ang may-ari ng dalawang showroom para makapagpakita ng importation documents.
Kung mabibigo ito ay sasailalim sa seizure at forfeiture ang mga sasakyan. (DDC)