Mga Pinoy na stranded sa Romania matapos lumahok sa International Dota 2 Championships tutulungan ng DFA
Gumagawa na ng paraan ang Department of Foreign Affairs (DFA) para makauwi ang mga Pinoy na stranded sa Romania matapos ang paglahok nila sa International Dota 2 Championships.
Ayon kay DFA Undersecretary Dodo Dulay, dahil walang embahada ang Pilipinas sa Romania, ang embahada sa Budapest at Berlin ang kumikilos ngayon para mauwi ang mga na-stranded na Pinoy.
Hindi makauwi ang team ng Pilipinas matapos mapasama sa Red List country ng pamahalaan ang Romania at magpatupad ng travel ban sa mga biyahero mula sa nasabing bansa.
Ang pagsasailalim ng Inter Agency Task Force sa Romania sa Red List ay tatagal hanggang October 31.
Sa kaniyang tweet, sinabi ni Fnatic team director Eric Khor na kabilang sa hindi makauwi ay ang mga manlalaro na sina Djarel Mampusti at Marc Polo Fausto at ang mga kasama nilang coach at staff na sina Pao Bago at Abed Yusop. (DDC)