P6.2B unspent fund ng TESDA pinangangambahang ipa-park muli sa PITC
Nangangamba si Senador Sherwin Gatchalian na ipaparada muli ng Technical Education and Skills Development Authority ang natitira pa nitong P6.2 bilyon na pondo para sa scholarship ngayong 2021.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng TESDA, tinanong ni Gatchalian ang TESDA kung paano gugugulin ang pondo gayung tatlong buwan na lamang ang natitira sa taong 2021.
Sinabi ni Gatchalian na aminado siyang natatakot siyang maitransfer na lamang ng TESDA sa Philippine International Trading Corporation ang unspent fund sa halip na ibalik sa National Treasury.
Ipinaliwanag ni TESDA Director General Isidro LapeƱa na bahagi ng pondo ay para sa procurement ng toolkits para sa TESDA scholars.
Kasabay nito, pinuna nina Senador Cynthia Villar at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang TESDA sa patuloy na pagtangkilik sa PITC para sa procurement ng kanilang mga pangangailangan.
Tinukoy ni Drilon ang P2 bilyong pondong inilipat ng TESDA sa PITC noong 2019 para sa procurement ng toolkits sa scholars.
Sa gitna nito, ikinuwento ni Villar ang hindi nito magandang karansan sa PITC kaugnay sa P400 milyong pondong ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources para sa composting facilities at plastic recycling factories noong 2016. (Dang Garcia)