Halaga ng pinsala sa agrikultura ng Severe Tropical Storm Maring umabot na sa mahigit P2.1B – DA
Umabot sa mahigit P2.1 billion ang halaga ng pinsala sa agrikultura na naidulot ng Severe Tropical Storm Maring.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nakapagtala ng pinsala sa mga pananim sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at SOCCSKSARGEN .
Ayon sa DA, umabot sa 76,442 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan at tinatayang 101,818 metric tons (MT) at 85,744 ektarya ng agricultural areas ang nawasak.
Kabilang sa napinsalang pananim ay palay, mais, high value crops at may mga nasira ding livestock at fisheries.
Pinakamalaking halaga ng pinsala ay sa mga pananim na bigas na umabot sa P1.45 billion ang halaga.
Ayon sa DA, 71,460 na ektarya ng taniman ng palay ang nasira ng bagyo.
Umabot naman sa mahigit 34,000 livestock at poultry ang naapektuhan kabilang ang manok, baka, kalabaw, kabayo, kambing, bibe at tupa.
Kabuuang P84.8 million ang halaga ng livestock at poultry ang napinsala ng bagyo.
Ayon sa DA, gamit ang kanilang Quick Response Fund, maglalaan ng P172 million na halaga para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar.
Mamamahagi din ng P296 million na halaga ng palay, corn seeds at iba’t ibang gulay sa mga apektadong magsasaka at P19 million na halaga ng fingerlings a ttulong sa mga magsasaka.
Maari ding mag-loan ang mga magsasaka ng hanggang P20,000 na payable in ten years at walang interest. (DDC)