Halaga ng pinsala sa agrikultura ng Severe Tropical Storm Maring umabot na sa halos P1.9B – DA
Umabot sa halos P1.9 billion ang halaga ng pinsala sa agrikultura na naidulot ng Severe Tropical Storm Maring.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nakapagtala ng pinsala sa mga pananim sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at SOCCSKSARGEN .
Ayon sa DA, umabot sa 60,195 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan at tinatayang 91,407 metric tons (MT) at 69,868 ektarya ng agricultural areas ang nawasak.
Kabilang sa napinsalang pananim ay palay, mais, high value crops at may mga nasira ding livestock at fisheries.
Pinakamalaking halaga ng pinsala ay sa mga pananim na bigas na umabot sa P1.4 billion ang halaga.
Ayon sa DA, 60,154 na ektarya ng taniman ng palay ang nasira ng bagyo.
Umabot naman sa mahigit 19,000 livestock at poultry ang naapektuhan kabilang ang manok, baka, kalabaw, kabayo, kambing, bibe at tupa.
Ayon sa DA, gamit ang kanilang Quick Response Fund, maglalaan ng P172 million na halaga para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar.
Mamamahagi din ng P296 million na halaga ng palay, corn seeds at iba’t ibang gulay sa mga apektadong magsasaka.
Maari ding mag-loan ang mga magsasaka ng hanggang P20,000 na payable in ten years at walang interest. (DDC)