Kakulangan ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 hindi na problema ng bansa; LGUs pinamamadali sa kanilang vaccine rollout
Hindi na problema ng bansa ang kakulangan ng suplay ng bakuna ayon sa National Task Force Against COVID-19.
Sa pahayag ni NTF chief implementer at vaccine czar, Sec. Carlito Galvez Jr., tiniyak nito sa mga lokal na pamahalaan na ginagawa ang lahat para sa pantay at mabilis na distribusyon ng mga bakuna.
Sinabi ni Galvez na sa ilalim ng recalibrated vaccine deployment strategy, malaking bilang ng mga dumating na bakuna ay dadalhin sa iba’t ibang mga rehiyon.
Kasabay nito ay umapela si Galvez sa mga LGU na mas bilisan pa ang kanilang vaccine rollout.
Una rito ay nagpahayag ng pagkadismaya si Albay Rep. Joey Salceda dahil sa aniya ay mabagal na pagdating ng suplay ng mga bakuna sa kanilang lalawigan.
Pero ayon kay Galvez, base sa datos ng kanilang National Vaccination Operations Center ang Albay ay mayroon pang unutilized na mahigit 19,000 Sinovac vaccine, at mahigit 24,000 doses ng Pfizer. (DDC)