Malaking bahagi ng bansa uulanin pa rin kahit nakalabas na ng bansa ang Bagyong Maring
Makararanas pa rin ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa sa kabila ng tuluyang paglayo sa bansa ng Bagyong Maring na may international name na “Kompasu”.
Sa weather forecast ng PAGASA ngayong araw ng Miyerkules, Oct. 13 Habagat ang makaaapekto sa buong Luzon at sa western section ng Visayas.
Ayon sa PAGASA, makararanas pa rin ng Monsoon rains sa buong Palawan at Occidental Mindoro.
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon at sa Western Visayas dahil sa Habagat.
Habang bahagyang maulap na papariwin na may isolated na pag-ulan ang mararanasan sa nalalabi pang bahagi ng bansa.
Paalala ng PAGASA sa publiko lalo na sa mga nakatira sa Northern Luzon, kahit mahinang pag-ulan na ang mararanasan sa susunod na 24 na oras, kailangan pa ring maging maingat at alerto.
Ang malakas at patuloy na pag-ulan na naranasan nitong mga nagdaang araw ay nagdulot ng high saturation sa lupa kaya maari pa ring makaranas ng pagbaha o landslides kahit mahina lamang ang pag-ulan. (DDC)