Mga pulis na humabol kay Jake Cuenca at nakasugat ng Grab rider isinailalim sa restrictive custody; aktor tinawag na bastos at walang disiplina ng PNP
Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na magpapataw ng disciplinary actions at magpapatupad ng corrective measures matapos ang insidente na naganap sa Mandaluyong City noong Linggo kung saan isang Grab driver ang tinamaan ng ligaw na bala habang hinahabol ng mga pulis ang sasakyan ng aktor na si Jake Cuenca.
Humingi ng paumanhin si Eleazar sa Grab driver na nasugatan sa insidente.
Tiniyak din nito sa pamilya na sasagutin ng PNP ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng rider at nag-alok din ng tulong-pinansyal habang siya ay nagpapagaling.
Sinabi ni Eleazar na irerespeto din ng PNP kung magpapasya ang Grab driver na isulong ang reklamo laban sa mga pulis dahil sa nangyari.
Samantala, inatasan na ni Eleazar si EPD Director, Police Brigadier General Matthew Bacay na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Tiniyak ni Eleazar sa publiko na magpapatupad ng disciplinary measures upang maiwasan nang maulit ang insidente.
Batay sa inisyal na ulat na nakarating kay Eleazar, paalis na ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Mandaluyong City Police sa Barangay Barangka sa Mandaluyong City kung saan sila nagsagawa ng anti-illegal drugs operations nang ang kanilang mobile ay mabangga ng sasakyan ni Jake Cuenca.
Pero sa halip na huminto ay pinaharurot pa ng aktor ang kaniyang sasakyan na nagresulta sa habulan.
Binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni Cuenca kaya lamang ito huminto.
Doon tinamaan ng ligaw na bala ang isang Grab driver na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
Tinawag namang bastos at walang disiplina ni Eleazar si Cuenca dahil sa ginawa nito. (DDC)