DILG magbibigay ng Bike Lane Awards sa mga LGU
Bibigyan ng pagkilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na naglaan ng Bike Lane sa kani-kanilang nasasakupan.
Batay sa DILG Memorandum Circular No. 2021-113, hinimok ng ahensya ang lahat ng LGUs na mayroong existing bike lane o ongoing construction ng bike lane na makilahok sa “National Bike Day” Bike Awards 2021 na gaganapin sa November 28, 2021.
Katuwang ng DILG sa programa ang Department of Transportation (DOTr) at dalawa pang ahensya ng pamahalaan.
Ang Active Transport Technical Working Group (TWG) na bubuuin ng DILG, DOTr, Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Health (DOH) ang bubusisi sa mga LGU base sa institutional mechanism; policy, ordinances, at issuances; coverage ng kanilang bicycle network; planning ng bicycle network; quality of network at infrastructure design; implementation, monitoring, at evaluation; at road safety design and compliance sa design standards.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga LGU na nais makilahok ay kailangang magsumite ng karampatang dokumento para sa evaluation.
Pipili ang DILG ng mga kwalipikadong LGU candidates.
“We would like to remind LGUs that MOVs must be comprehensive as these will be used to assess and understand LGU performance. Only LGUs that submitted complete documents and attachments will qualify for the national validation,” dagdag pa ni Año.
Ang mga LGU na papasa sa initial screening ay magiging bahagi ng National Validation na gagawin sa unang linggo hanggang ikatlong linggo ng November 2021.
Ang mga LGU ay hahatiin sa tatlong kategorya na kabibilangan ng City; 1st to 3rd Class Municipality; at 4th to 6th Class Municipality.
Ang top three LGUs sa bawat kategorya ay tatanggap ng plaque of recognition at idedeklara bilang Gold, Silver, at Bronze awardees.
Noong nakaraang taon, nagpalabas ang DILG ng MC No. 2020-100 na humihimok sa lahat ng LGUs sa bansa na i-promote ang active transportation.
Mahalaga ito ayon kay Año ngayong limitado ang public transportation dahli sa pandemya ng COVID-19. (DDC)