Pamumulitika ng ‘Global Coalition’ sa PNP, kinuwestyon ni Senator Lacson
Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y “global coalition” sa Philippine National Police na maaaring magamit sa pamumulitika.
Ayon sa senador, kahina-hinala ang pakay ng “Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers,” na inilunsad noong ika-25 ng Hunyo nitong taon.
Noong mga nakaraang buwan, pinuna rin ni Lacson ang pangunguha ng datos tulad ng email address at phone numbers na pinangunahan ng PNP Police Community Relations Unit na noo’y sa ilalim ni Police Maj. Gen. Rhodel Sermonia.
Binatikos din ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Sermonia dahil sa pangangampanya nito noong 2019 midterm elections gamit ang resources ng mga embahada.
Ang ipinagtataka ni Lacson, ay kung bakit kailangan ng PNP ng force multipliers sa ibang bansa at teritoryo tulad ng Dubai, Saudi Arabia at Hong Kong, kung ang mandato lamang ng PNP ay tugunan ang mga banta sa loob ng bansa.
Hindi kumbinsido ang senador sa pagsisiguro ni PNP chief Guillermo Eleazar na ang mga aktibidad na ito ay para makipag-ugnayan lamang sa publiko at hindi para sa pamumulitika.
Dagdag pa ng senador, kung hindi ito para sa pamumulitika, dapat na tanggalin na lamang ang tawag dito bilang isang “Global Coalition.” (Dang Garcia)