Rekomendasyon ng komite sa Kamara na duminig sa maanomalyang pagbili ng mga medical supplies ng gobyerno sa Pharmally, magiging patas
Siniguro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na magiging patas ito sa ilalabas na rekomendasyon kaugnay sa isinagawang imbestigasyon ukol sa sinasabing maanomalyang pagbili ng gobyerno ng mga medical supplies sa kumpanyang Pharmally.
Ayon kay Rep. Michael Edgar Aglipay chairman ng komite, target ng komite na mailabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa loob ng 60-araw.
Kahapon, tinapos na ng komite ang kanilang motu proprio investigation kung saan binawi ni Pharmally Executive Krizle Grace Mago ang naunang mga pahayag at pag-amin nito sa Senado patungkol sa pagpapalit ng production date ng mga faceshields at pagturo kay Pharmally Treasurer Mohit Dargani na siyang nagutos na i-tamper ang expiration ng medical item.
Sakaling may opisyal na matutukoy na sangkot talaga sa anomalya ay kasama sa imumungkahi na maparusahan ang mga ito sa korte.
Samantala, si Mago ay makakapanatili pa sa kustodiya ng Kamara hanggang dalawang buwan at inaasahang haharap ito sa pagdinig naman ng Senado “virtually” matapos na hindi ma-contact nitong mga nakalipas na araw. (James Cruz)