United Opposition malabo ayon kay Sen. Drilon

United Opposition malabo ayon kay Sen. Drilon

Aminado si Senate Minority Leader Franklin Drilon na malabo nang magkaroon ng kasunduan ang mga kampong kontra sa administrasyon.

Ito ay kasunod ng kumpirmasyon nina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Drilon na nagkaroon ng pagpupulong sina Vice President Leni Robredo at Senador Panfilo Lacson.

Ang pulong na ginawa nitong Sabado ay indikasyon na hindi pa rin sumusuko si Robredo na pagkaisahin ang mga kontra sa admninistrasyon para sa 2022 elections.

Gayunman, sinabi ni Drilon na batay sa nakita niya sa usapan, malabo nang magkaroon pa ng kasunduan bago ang halalan.

Kinumpirma rin ni Sotto ang pulong subalit tumangging magbigay ng mga detalye at ipinauubaya na sa kampo ng Bise Presidente kung nais nitong ihayag ang kanilang mga napag-usapan sa pulong.

Matatandaang una na ring nagpulong ang dalawang kampo upang bumuo ng istratehiya sa pagkakaroon ng iisang kandidato sa ilalim ng oposisyon subalit wala ring kinahinatnan makaraang tanggihan ni Robredo ang iniaalok na sistema ni Lacson.

Sa suhestyon ni Lacson, hahayaang maghain ng kandidatura ang lahat ng mga nais kumandidato at saka pupulsuhan ang pinakamalakas na kalaban ng administrasyon na siyang susuportahan ng iba pang kandidato sa pamamagitan ng pag-atras sa kani-kanilang kandidatura. (Dang Garcia)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *