WATCH: PNP Chief Eleazar iniutos ang maigting na kampanya vs threat groups
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang lahat ng chiefs of police at unit commanders na maging alerto sa posibleng pag-atake ng iba’t ibang threat groups.
Ginawa ni Eleazar ang direktiba matapos masugatan ang isang patrolman nang tambangan ang kanilang sasakyan sa Indanan, Sulu noong Biyernes ng gabi.
Ani Eleazar, dapat palakasin ang defense plan sa mga police station at sa mga pulis na nagsasagawa ng responde at pag-patrolya.
Batay sa ulat, lulan ng kanilang patrol car ang mga pulis patungo sa Maimbung Municipal Police Station nang sila ay tambangan nang hindi nakilalang mga suspek.
Sinabi ni Eleazar na hindi nila inaalis ang posibilidad na maraming grupo ang mananamantala at magsasagawa ng ganitong pag-atake sa mga otoridad para makuha ang kanilang service firearms.
Gamit ang mga maaagaw na armas ay magsasagawa naman ng extortion activities ang mga grupo lalo ngayong panahon ng eleksyon. (DDC)