Ginang, nahulog sa falls sa Biliran nailigtas ng dalawang pulis
Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang isang ginang matapos mahulog mula sa Ulan-Ulan Falls sa Almeria, Biliran.
Batay sa ulat, tyempong nasa lugar sina Police Major Michael John Astorga, Chief of Police ng Naval Municipal Police Station at Police Major Jefferson Relente ng Police Regional Office 8 Finance Service, nang makita nilang nahulog ang ginang mula sa itaas ng falls.
Nawalan ng malay ang 51 anyos na ginang na nakilalang si Luzviminda Taruyo dahil sa lakas ng impact ng pagkakabagsak sa falls na may taas na 30 metro.
Agad rumesponde ang dalawang police officers para iligtas ang ginang.
Agad namang nalapatan ng paunang lunas ang ginang ni Police Staff Sergeant Arla Pacencia na isang registered nurse, bago dinala sa Biliran Provincial Hospital.
Nagtamo din ng mga sugat ang dalawang police officer dahil sa lakas ng current ng tubig.
Pinapurihan naman ni PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga pulis sa mabilis na aksyon para mailigtas ang ginang.
“I commend these police officers for risking their own lives to save the victim. Sa kabila ng malakas na agos ng tubig at mga malalaking bato na nakaharang sa kanilang daanan ay hindi nila ito ininda para lang mailigtas ang buhay ng isa nating kababayan,” ani PGen Eleazar. (DDC)