AFP magtatalaga ng medical team sa NCR hospitals
Magtatalaga ng dagdag na medical team ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga ospital sa Metro Manila.
Inihahanda na ng AFP Health Service Command at ng Office of The Surgeon General AFP ang kanilang team matapos ang pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH).
Ayon sa AFP, mayroong inihandang dalawang team. Bawat team ay mayroong isang military doctor at limang military nurses na ide-deploy sa ospital na tinukoy ng DOH.
Ang unang deployment ay St. Luke’s Medical Center sa sandaling maisapinal na ang memorandum of agreement sa DOH.
Bawat team ay sasailalim muna sa RT-PCR tests bago ang deployment.
Sa sandaling mag-negatibo ang resulta ng COVID-19 ay sisimulan ang kanilang 14-day duty at pagkatapos ay sasailalim sa 14-day quarantine period.
Tatagal ng isang buwan ang deployment kasama ang quarantine period.
Sinabi ng AFP na patuloy ang gagawin nilang pakikipag-ugnayan sa DOH na lead agency sa pag-allocate ng mga medical personnel mula AFP, PNP at BFP. (DDC)