Inilabas na case bulletin sa COVID-19 kahapon binawi ng DOH; naitalang bilang ng mga nasawi binago
Binawi ng Department of Health and case bulletin sa COVID-19 na inilabas pasado alas 6:00 ng gabi ng Lunes (Sept. 28).
Ayon sa DOH, may mga revision o may kinailangang baguhin sa inilabas na case bulletin.
Tumagal ang paglalabas ng case bulletin ng DOH araw ng Lunes na sa halip na alas 4:00 ng hapon ay pasado alas 6:00 na ng gabi nailabas sa media.
Pero ilang minuto matapos ibigay sa media ang kopya ng case bulletin, sinabi ng DOH na babawiin ito dahil sa ilang revisions.
Pasado alas 9:30 na ng gabi nang mailabas ang revised case bulletin.
Mula sa 195 na nadagdag sa bilang ng nasawi, ay naging 93 ito sa revised case bulletin.
Ayon sa DOH, umabot na sa 2,509,177 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
18,449 ang dagdag na mga kaso sa magdamag.
Sa kabuuang bilang ng COVID-19 cases, 2,313,412 ang gumaling o katumbas ng 92.2 percent makaraang makapagtala pa ng dagdag na 21,811 na gumaling.
158,169 naman ang active cases o katumbas ng 6.3 percent.
Umabot naman na sa 37,596 ang kabuuang death toll sa bansa o 1.50 percent. (DDC)