BBM hahabol sa deadline ng paghahain ng COC sa Comelec
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pag-eendorso ng ilang grupo para tumakbo si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., patuloy ang pananahimik nito habang pinag-aaralan ang posibilidad para sa posibleng pakikipag-alyansa sa darating na halalan.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, nagpapasalamat ang dating senador sa dagsa ng suporta mula sa kilalang mga political party, mga pinuno ng barangay at ilang concerned citizens gayunman, nananatili itong tahimik sa kanyang pinal na desisyon.
Ayon pa kay Rodriguez, na myembro rin ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na nauna na ring nag-endorso kay Marcos bilang kanilang standard-bearer sa 2022 election, nakasisiguro sila na maglalabas na ito ng desisyon sa lalong madaling panahon bago ang deadline sa filing of candidacy sa Commission on Elections (Comelec).
Dagdag ni Rodriguez, pinag-iisipang mabuti ni Marcos ang lahat dahil hindi madali ang magdesisyon lalo na ang usapin ay pandemic government at post-pandemic situation ngayong darating na halalan.
Bukod sa PFP, inendorso na rin si Marcos ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), ang matagal ng political party ng mga Marcos.
Inihayag pa ng tagapagsalita ni Marcos na pinagtutuunan din nito ng pansin ang pakikipag-alyansa sa posibleng makakatambal nito sa halalan kabilang ang pakikipag-usap kay Davao Mayor Inday Sara Duterte. Pansamantala munang tigil ang pakikipag-alyansa ni Marcos kay Davao city mayor dahil sa pahayag nito na hindi na siya tatakbo sa darating na halalan. (DDC)