Mga opisyal ng isang ospital sa Pasig pinakakasuhan ng NBI dahil sa maanomalyang claim sa PhilHealth
Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa pitong opisyal at staff ng Tricity Medical Center sa Pasig City dahil sa maanomalyang claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kinilala ni NBI-Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga pinakakasuhan na sina ENRICO C. CRUZ, M.D., Hospital Administrator at miyembro ng Board of Directors of Tricity Medical Center, Dr. GJAY LALU ORDINAL, Dr. FROILAN ANTONIO DE LEON at Dr. LOURDES RHODA REYES PADILLA, pawang resident doctors ng ospital, CHERRY CATALAN FLORES, nurse, ARLENE JOY G. SEBUC, Philhealth Staff at SVEND AGODILOS RANCES, hospital clerk.
Ang imbestigasyon ng NBI ay kasunod ng reklamong natanggap ng NBI-Anti Graft Division (NBI-AGD) na ang Tricity Medical Center, Inc. sa Pasig City ay mayroong mga pekeng claim para sa reimbursement sa PhilHealth na umano ay para sa kanilang hemodialysis patients.
Lumitaw sa imbestigasyon na non-existent o kaya naman ay patay na ang mga pasyenteng ginagamit ng ospital para sa claim.
Natuklasan na umabot sa 318 ang Fraudulent Claims ng ospital o katumbas ng halagang P824,200.
Base din sa database ng PhilHealth noong 2016 hanggang 2019 mayroong claim ang ospital na umabot sa 4,308,000 gamit din ang parehong pangalan ng mga pasyente.
Batay sa rekomendasyon ng NBI pinakakasuhan ang pitong opisyal at staff ng ospital ng Estafa sa ilalim ng Article 315 (2) ng Revised Penal Code (RPC, at paglabag sa Section 44 of R.A. 7875, o “National Health Insurance Act of 2013. (DDC)