PRC pinuna ni Sen. Villanueva sa muling pagkansela sa LET
Pinuna ni Senador Joel Villanueva ang Professional Regulation Commission sa muli nitong pagkansela sa Licensure Exam for Teachers, pitong araw bago ang scheduled examination sa Setyembre 26.
Inilarawan ni Villanueva, chairman ng Senate Labor Committee na “stuck in the past” ang PRC dahil hindi nito nasunod ang mandato ng Modernization Act of 2000 na nagtakda sa komisyon na gawing fully computerized ang pagsusulit.
Ipinaliwanag ni Villanueva na maraming LET takers na ang sumailalim sa 14-day quarantine, na bahagi ng requirements ng PRC kaya’t malaking abala ang biglaang pagkansela sa LET, lalo na sa mga takers na nag-leave pa sa kani-kanilang mga trabaho.
Mula sa 101 board exams na nakatakdang idaos, 24 lamang ang natuloy sa kabila ng kahilingan sa komisyon na ilatag ang malinaw na plano para isagawa ang mga board exams ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ng senador na dahil sa halos dalawang taon nang paulit-ulit na nakakansela ang LET, dalawang taon na rin nabibitin ang mga teacher graduates.
Sa ngayon, dagdag pa ng mambabatas na mistulang nasa ‘wait and see’ lamang ang PRC habang patuloy ang pagtatapos ng mga graduates sa kolehiyo sa pamamagitan ng flexible learning. (Dang Garcia)