“Pulis na tutor pa”; Mga pulis sa Abra tinutulungan ang mga mag-aaral sa kanilang modules
Maliban sa pagtitiyak ng seguridad, nagsisilbi ring tutor ng mga estudyante ang mga pulis sa Abra.
Sa pagsisimula ng academic year 2021-2022 at muling pagpapatupad ng distance learning dahil sa pandemya ng COVID-19, nagpasya ang mga pulis sa isang bayan sa Abra na mag-ikot at tumulong sa mga mag-aaral na nahihirapang maka-adapt sa kasalukuyang modular learing.
Bahagi ito ng community support program ng 2nd Abra Provincial Mobile Force Company sa bayan ng Sallapadan.
Layunin nitong maipaunawa sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edikasyon sa kabila ng banta ng COVID-19.
Pinapurihan naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang programang ito ng mga pulis sa Abra.
“Hindi man ito bahagi ng mandato ng kapulisan, nariyan pa rin ang ating mga personnel para umalalay sa mga kabataan sa kanilang edukasyon,” ayon kay Eleazar.
Makatutulong din aniya ito upang iparamdam sa mga kabataan na kakampi nila ang mga pulis at hindi sila dapat katakutan. (DDC)