Mga opisyal ng Pharmally nagbilihan ng magagarang sasakyan matapos makuha ang kontrata para sa COVID-19 supply
Nakabili ng magagarang sasakyan ang mga opisyal ng kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation matapos makuha ang kontrata sa gobyerno sa pagsu-supply ng medical needs para sa COVID-19 response.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano ay anomalya sa pinasok na kontrata ng gobyerno sa Pharmally, ipinakita nito ang mga biniling sasakyan ng mga executive ng Pharmally.
Ani Gordon, si Mohit Dargani na corporate secretary ng Pharmally ay bumili ng Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 million.
Ayon kay Gordon, ang kotseng iyon ni Dargani ay registered noong May 7, 2021.
Habang si Pharmally president Twinkle Dargani naman ay bumili ng Lamborghini Urus na P13 million ang halaga.
Habang ang direktor ng Pharmally na si Linconn Ong ay nakabili ng hindi lang isa kundi tatlong magagarang sasakyan.
Kabilang dito ang Lexus RCF na nagkakahalaga ng P5.9 million, Porsche Cayenne VR6 na P6.35 hanggang P8.85 million ang presyo at Porsche Carrera 4S na P13.5 million ang halaga.
Ang halaga ng iniimbestigahang kontrata ng gobyerno sa Pharmally ay P8 billion.
Ito ay para sa pagsu-suplay ng mga personal protective equipment (PPEs) na pinaniniwalaang overpriced. (DDC)