First batch ng one million doses ng Sputnik Light COVID-19 vaccine na binili ng gobyerno parating ngayong buwan
Darating sa bansa ngayong buwan ang unang batch ng one-shot Sputnik Light COVID-19 vaccine na binili ng pamahalaan.
Ayon kay National Task Force Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., isang milyong doses ng naturang bakuna ang binili ng gobyerno.
Ngayong buwan inaasahan ang pagdating ng unang batch ng mga bakuna.
Ani Galvez, gamit ang Sputnik Light ay inaasahang mas mapapabilis ang vaccination drive sa bansa.
Noong buwan ng Agosto ay inaprubahan ng Food and Drug Administration ang pagkakaloob ng emergency use authorization sa Sputnik Light na gawa ng Russia.
Samantala, mayroon ding parating na mga halos 300,000 doses ng Sputnik V na gagamitin para sa second dose ng mga una nang nabakunahan nito.
Ani Galvez, marami kasi sa mga nakatanggap ng first dose ng Sputnik V ang hindi pa nabibigyan ng second dose nito.
Pero ayon aniya sa mga vaccine expert mula sa Department of Health (DOH), ang gap sa pagitan ng first at second doses ng Sputnik V ay puwedeng tumagal ng hanggang anim na buwan. (DDC)