Apat arestado ng NBI sa pagtatapon ng dumi ng hayop sa ilog sa Pampanga
Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI ) ang apat na katao dahil sa pagtatapon ng dumi ng hayop sa ilog sa Pampanga.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng NBI-Environmental Crime Division (NBI-EnCD) Pampanga laban sa mga suspek na sina ASISCLO SIMBAJON, CECILIO NOLI ALMIRANTE, LORELIE SUMAMPONG, at ROSEWIN LUGTU.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, nilabag ng apat na suspek ang Section 48 (6) ng RA 9003 at Article 91 (b)(5) ng PD 1067.
Napatunayan ang kanilang paglabag matapos ang inspeksyon ng mga tauhan ng DENR-EMB III, DENR-ELEPS at NBI-EnCD sa bayan ng Sto. Tomas at Minalin sa Pampanga noong July 14, 2021.
Natuklasan na direktang itinatapon sa ilog ang animal waste mula sa poultry farm.
Nang makaranas ng pagbaha sa lugar ay sumama sa tubig baha ang mga itinapong dumi nang umapaw ang Ilug Balen at Masoloso River.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa apat.