Pagdinig ng Senado sa Pharmally tuloy ayon kay Sen. Gordon
Nanindgan si Senador Richard Gordon na ipagpapatuloy nila ang malalim na imbestigasyon sa mga koneksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa gitna ng patuloy na pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga senador.
Sinabi ng chairman ng Senate Blue Ribbon committee na hindi nila hahayaang bumagal ang kanilang pagsisiyasat laban sa Pharmally, na nakakuha ng mga kontrata na umaabot sa P11 bilyon mula sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa pamamagitan ng negotiated biddings.
Kinuwestyon din ni Gordon si Pangulong Duterte kung bakit dinidipensahan ang Pharmally contracts at ang dati niyang economic adviser na si Michael Yang.
Sinabi ng senador na kung talagang galit ang Pangulo sa katiwalian, hindi nito dapat batikusin ang mag senador at sa halip ay hayaang gumulong ang pagsisiyasat.
Subalit kung hahadlangan ng Pangulo ang Senate investigations at hindi papayagan ang mga miyembro ng gabinete na dumalo sa mga pagdinig, posibleng isipin na mayroon siyang itinatago.
Kung pagbabawalan ng Pangulo ang kanyang gabinete na dumalo sa pagdinig, ang executive branch ang malulugi dahil mawawalan sila ng pagkakataong ipaliwanag ang mga isyu. (Dang Garcia)