Miyembro ng Abu Sayyaf arestado ng NBI sa QC
Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Culiat, Quezon City.
Ikinasa ng mga tauhan ng NBI- Counter Terrorism Division (NBI-CTD) ang operasyon laban sa suspek na si Albazir Abdulla alyas Abu Saif na wanted sa kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, nakatanggap ng impormasyon ang ahensya na isang Abu Saif na sangkot sa 2001 Golden Harvest Plantation Kidnapping ang namataan sa Metro Manila.
Positibong kinilala ng isa sa mga biktima ng kidnapping ang suspek sa photo line-up ng NBI.
Katuwang ang Armed Forces od the Philippines (AFP) at nagsagawa ng casing at surveillance operations NBI-CTD laban sa suspek hanggang sa matunton ang bahay nito sa Salam Compound, Brgy. Culiat.
Magugunitang noon May 2021, nadakip din ng NBI ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Maharlika Village sa Taguig. (DDC)