PNP patuloy ang monitoring kasunod ng babala ng Japan sa posibleng terror attacks sa mga bansa sa Southeast Asia
Walang natatanggap na ulat ang Philippine National Police (PNP) hinggi sa posibleng terror attacks sa bansa kasunod ng babala ng Japan Ministry of Foreign Affairs sa pag-atake sa mga bansa sa Southeast Asia.
Pero ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar, patuloy ang kanilang monitoring sa mga intelligence report na kanilang natatanggap sa ground at sa kanilang counterparts dito sa Pilipinas maging sa ibang bansa.
“We have not received any report on possible terror attacks as advised by the Japan Foreign Ministry but this does not mean that we would lower our guard on this matter,” ayon kay PGen Eleazar.
Ginawa ni Eleazar ang pahayag matapos na na maglabas ng statement ang Japan Ministry of Foreign Affairs sa posibleng pag-atake gaya ng suicide bombings sa Pilipinas, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand, at Myanmar.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Eleazar sa publiko na patuloy ang maigting na intelligence-gathering ng PNP para maharang ang anumang bantang pag-atake.
“Noon pa man ay patuloy ang aming intelligence-monitoring especially after the 9/11 attack in the US and the Marawi City incident, at nananatiling maigting ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa laban sa terorismo through information-sharing and strategic partnership in dealing with terror groups,” ani Eleazar.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng seguridad sa buong bansa. (DDC)