Senator Manny Pacquiao nagsampa ng P100-Million cyber-libel suit laban kay Pastor Quiboloy
Naghain ng reklamo si Senator Manny Pacquiao laban kay self-proclaimed “Owner of the Universe” at “Appointed Son of God” Pastor Apollo Quiboloy.
Bunsod umano ito ng pagpapalaganap ng fake news ni Quiboloy laban sa senador.
P100-Million libel at cyber-libel case ang isinampa ni Pacquiao sa Makati City Prosecutor’s Office.
Inilahad sa reklamo ang television at social media post ni Quiboloy na siya ring spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aakusa kay Pacquiao sa hindi tamang paggamit ng pondo para sa Sarangani Sports Training Center.
Ayon sa akusasyon ni Quiboloy, ginastusan ng gobyerno ng P3.5 billion ang proyekto pero hindi ito natapos.
Sa 13-pahinang reklamo ni Pacquiao hiniling nitong pagbayarin si Quibuloy ng P100 million na danyos at attorney’s fees dahil sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan para magpalaganap ng fake news at false information.
Batay sa rekord, ang P3.5 Billion na pondo na sinasabi ni Quiboloy ay para sa Philippines Sports Training Center isa Bataan at walang kinalaman sa proyektong ito si Pacquaio. (DDC)