Pangulong Duterte hinimok na igalang ang senado
Inihain ni Senador Leila de Lima ang isang resolution para sa sentiment ng Senado na dapat magpakita ng paggalang si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang institusyon at tigilan ang paglalabas ng mga pahayag na nakakawala ng respeto sa Mataas na Kapulungan.
Ang Senate Resolution No. 898 ay isinulong ni De Lima kasunod ng mga batikos ni Pangulong Duterte sa Senado partikular kina Senators Panfilo Lacson at Richard Gordon sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa paggastos sa pondo ng gobyerno laban sa COVID 19.
Ipinaalala ng senador sa kanyang resolution na co-equal institution ang Malakanyang at Senado kaya’t dapat lamang na igalang ang bawat isa.
Una nang binatikos ng Punong Ehekutibo ang anya’y katabaan ni Grodon at ang mahaba nitong mga interpelasyon gayundin din ang tinawag nitong ‘strange hairdo’ ni Lacson.
Idinagdag din ng Pangulo na wala ring pinatutunguhan ang mga imbestigasyon ng Senado.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na bilang lider ng bansa, dapat maging halimbawa si Pangulong Duterte sa pagpapairal ng demokrasya. (Dang Garcia)