Pag-aresto kay Yang nasa kamay ng OSAA
Nasa kamay na ng Senate Sergeant at Arms ang diskarte kung paano aarestuhin si dating Presidential Consultant Michael Yang.
Sa gitna ito ng impormasyon na nananatili si Yang sa Davao at nangakong muling dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes hinggil sa sinasabing overpiced na procurement ng medical equipment.
Sinabi ni Senate Pres. Tito Sotto na diskarte na ng OSAA kung paano ipatutupad ang arrest warrant.
Matatandaang noong Biyernes, nagpalabas ng warrant of arrest ang Senado laban kay Yang dahil sa pagiging ‘evasive’ sa mga tanong ng mga senador sa kanya.
Bukod kay Yang, pinaaresto rin si Pharmally Pharmaceutical Corp. official na si Linconn Ong.
Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na kumbinsido siya na nagsisinungaling sa Yang nang igiit na wala siyang kinalaman sa transaksyon bukod sa ipinakilala lamang niya ang Pharmally sa Department of Budget and Management-Procurement Service.
Iginiit ni Gordon na lumalabas na si Yang ang nagpopondo o guarantor siya alinsunod sa pahayag ng Presidente at marami na ang lumalabas kapag nagsisinungaling kaya’t talagang liku-liko ang sasabihin nila. (DDC)