‘Bakuna Bus’ ng Philippine Red Cross umarangkada sa Lucena City

‘Bakuna Bus’ ng Philippine Red Cross umarangkada sa Lucena City

Umarangkada na sa Lungsod ng Lucena ang ‘Bakuna Bus’ ng Philippine Red Cross dito sa Lalawigan ng Quezon.

Sa pangunguna ng Philippine Red Cross Quezon Lucena Chapter sa ilalim ng pangangasiwa ng Chapter Administrator nito na si Mr. Victor De Leon ay kauna-unahang tinungo ng mobile vaccination program ang Barangay Isabang.

Sinabi ni De Leon, ang kanilang grupo ay nakipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlungsod sa pangunguna ni Mayor Roderick Dondon Alcala at sa City Health Office sa hangarin nito na maidala at mailibot ang ‘bakuna bus’ sa lungsod ng Lucena upang makatulong sa pagpapabilis ng vaccination program dito.

Paliwanag nito na ang pagtungo ng bakuna bus sa naturang barangay bilang unang destinasyon sa lungsod ay base sa desisyon ng naging pakikipag-ugnayan nito sa mga nabanggit na kinauukulan.

Kaugnay naman sa mga residente ng barangay na mabebenipisyuhan ng programa, mananatiling sa master list parin ng Pamahalaang Pambarangay naka-depende ang mga maiimbitahang residente nito na mabibigyan ng pagkakataong mabakunahan at hindi aniya sila tumatanggap ng mga walk-in upang maiwasan ang pagdami ng tao.

Sa usapin naman ng kapasidad ng bakuna bus na makapagbakuna, paliwanag ng chapter administrator na naka-base pa rin ito sa suplay ng bakuna na nakukuha ng organisasyon sa kanilang national headquarters ngunit kaya naman aniya makapagturok ng tatlong daan hanggang limangdaan sa isang araw.

Labis na pasasalamat naman ang ipinaabot ng CHO sa pamamagitan ni Dr. Jose Jaycee Tabernilla na siyang isa sa naging katuwang ng organisasyon sa aktibidad gayundin ng Pamahalaang Pambarangay ng Isabang sa pamumuno ni Kapitan Armelito Robles sa bumubuo ng Philippine Red Cross at sa Quezon Lucena Chapter nito sa inisyatibo na maidala ang ‘Bakuna Bus’ sa lungsod.

Samantala, siniguro naman ng Philippine Red Cross Quezon Lucena Chapter na magpapatuloy ang pag-arangkada ng ‘Bakuna Bus’ sa iba pang barangay sa lungsod sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa Pamahalaang Panlungsod at sa City Health Office. (Jay-Ar Narit)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *