Sen. Grace Poe isinulong ang proteksyon sa mga consumer laban sa cybercrime
Inihain ni Sen. Grace Poe ang panukala na nagsusulong ng proteksyon sa mga konsyumer laban sa cybercrimes tulad ng ‘skimming and phishing’ na umabot na sa all-time high ang kaso dahil karamihan sa transaksyon ay naging online na bunsod ng pandemic.
Layun ng “Bank Account, E-wallet, and Other Financial Accounts Regulation Act” o Senate Bill No. 2380 na magpatupad ng matatag at epektibong financial system at bigyang proteksyo ang publiko laban sa cybercriminals at mga sindikato na tumatarget sa bank accounts at e-wallets.
Batay sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 98.4 porsiyento sa mga iniulat na krimen at pagnanakaw ng mga bangko mula Marso 15 hanggang Mayo 18, 2020 ay pawang naganap online at umaabot na sa P60.6 milyon.
Sa kabilang dako, iniulat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na tumaas ng 37 porsiyento ang online scams mula Marso hanggang Setyembre 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.
Sa sandaling maisabatas ang panukala, mandato ng BSP, Department of Justice, Department of Information and Communications Technology, National Bureau of Investigation at PNP na bumalangkas ng “Anti-Scam/Financial Fraud Roadmap” upang palawakin ang kaalaman ng mga konsyumer sa financial scams at kung paano ito maiiwasan kasabay ng pagpapanagot sa mga nasa likod ng financial cybercrime cases.
Alinsunod din sa panukala, mandato ng mag bangko, non-bank financial institutions, at iba pang kahalintulad na institusyon na agarang tumugon sa cybercrime reports at palakasin ang kanilang online platforms, payment systems at data security. (Dang Garcia)