Bagyong Jolina bahagya pang lumakas; pitong lugar sa bansa nakasailalim sa Signal No. 1
Bahagya pang lumakas ang tropical depression “Jolina” habang ito ay nasa bahagi ng Philippine Sea.
Ang sentro ng Tropical Depression “Jolina” ay huling namataan sa layong 200 kilometers East Southeast ng Guiuan, Eastern Samar o sa layong 230 kilometers East ng Surigao City, Surigao del Norte.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 15 kilometers bawat oras.
Nakataas ang tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa sumusunod na mga lugar:
– Sorsogon
– Northern Samar
– Samar
– Eastern Samar
– Dinagat Islands
– Siargao Islands
– Bucas Grande Islands
Sa susunod na 24 na oras magdudulot ang bagyo ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Eastern Samar, Dinagat Islands, at Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands.
Mahina hanggang katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa Northern Cebu, Bohol, Camiguin, at nalalabi pang bahagi ng Eastern Visayas,
Sa Huwebes ng umaga, September 9 ay inaasahang magla-landfall ang bagyo sa bahagi ng Northern Luzon.
Inaasahang lalabas ito ng bansa sa Biyernes, September 10 ng umaga. (DDC)