Pagkatapos sa NCR, ACT-CIS, aayuda na rin sa mga probinsya
Matapos mahatiran ng ayuda ang halos lahat ng local government units (LGUs) sa Metro Manila noong enhanced community quarantine (ECQ), papadalhan na rin ng ACT-CIS ang mga lungsod at bayan sa labas ng National Capital Region (NCR) na naka-lockdown o nasa ilalim ng ECQ.
Sa isang panayam, sinabi ni ACT-CIS Cong. Eric Yap, sa labas ng NCR naman ang papadalhan nila at ng Erwin Tulfo Action Center ng mga bigas at delata sa mga susunod na araw.
Ayon kay Yap, nakikipag-ugnayan na sila sa mga LGU na nay mga lugar na naka-granular lockdown para mahatiran ng tulong.
Ang LGU aniya ang higit na nakakaalam kung anong mga lugar ang naka-lockdown sa kanilang nasasakupan at sila na ang magbibigay ng pagkain sa bawat household.
Unang hahatiran ng ACT-CIS at Erwin Tulfo Action Center ng mga bigas at delata ngayong araw ang bayan ng Morong sa Bataan. (DDC)