COVID-19 vaccine ng Moderna binigyan na ng EUA para magamit sa mga edad 12 hanggang 17
Pinagkalooban na ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang Moderna para magamit ang COVID-19 vaccine nito sa mga edad 12 hanggang 17.
Sa Laging handa public briefing inanunsyo ni FDA Director Genera Eric Domingo na matapos ang masusing pag-aaral, inaprubahan ng vaccine experts at regulatory experts ang hiling ng Moderna na mapayagan silang gamitin ang kanilang bakuna sa mga adolecents.
Ang Moderna vaccine ay matagal nang mayroong EUA sa Pilipinas para sa mga edad 18 pataas.
Pero naghain ito ng amendment kamakailan sa FDA para mapayagan sila na magamit na rin ang kanilang mga bakuna sa mga edad 12 hanggang 17.
Samantala ayon kay Domingo, nagsumite na ng requirements sa kanila ang Pfizer para sa product registration ng kanilang COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas.
Isinasailalim na aniya ng FDA a sa pag-aaral ang mga dokumentong isinumite ng Pfizer.
Sa sandaling makakuha ng certificate of product registration sa bansa ang Pfizer ay maari nang maibenta sa mga botika at ospital ang kanilang COVID-19 vaccine.
Maari na din itong ireseta ng mga doktor at magiging accessible na sa private sector. (DDC)