Limang pulis na sangkot sa pananambang sa alkalde ng Calbayog City inirekomendang masibak sa serbisyo
Inirekomenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (IAS) ang dismissal sa limang pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay IAS chief Inspector General Alfegar Triambulo, batay sa imbestigasyon, plinano ang pagpatay sa alkalde at hindi shootout.
Inirekomendang ma-dismiss sa serbsiyo sina Police Lieutenant Colonel Harry Sucayre, Police Major Shyrille Tan, Lieutenant Colonel Julio Armeza Jr., Police Senior Staff Sergeant Niel Cebu, at Police Corporal Edsel Omega.
Nasa 267 na tama ng bala ang na-trace sa sasakyan ni Aquino, kabilang ang siyam sa windshield, senyales na intensyon talagang paslangin ang mayor.
Sinabi ni Triambulo na nabigo ang mga naturang pulis na ipaliwanag kung bakit dalawa sa kanilang kasamahan na namatay sa insidente, na kinilalang sina Police Captain Joselito Tabada at Police Staff Sergeant Romeo Laoyon, ang nakasuot ng bonnet.
Batay sa salaysay ng mga testigo, naunang magpaputok ng baril ang mga pulis at gumanti lamang ang grupo ni Aquino nang masawi ang escort ng alkade na si Staff Sergeant Rodeo Sario at driver na si Dennis Abayon.
Inihayag naman ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar na hinihintay na lamang niya ang mga dokumento mula sa Discipline Law and Order Division ng PNP Directorate for Personnel and Records Management.
Noong March 8 ay pinaslang si Aquino at tatlong iba habang lulan ng van sa Laboyao Bridge, sa Barangay Lonoy. (LSR)