Sen. Poe umaasang mapapabilis na ang pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital
Nagpahayag ng katuwaan si Senadora Grace Poe sa desisyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na suspendihin ang memorandum circular na pumipigil sa pagbabayad ng hospital claim na sangkot sa fraud o dayaan.
Sinabi ni Poe na dahil sa utang ng Philhealth, nanganganib ang operasyon ng marami sa mga pagamutan sa bansa.
Ipinaliwanag ni PhilHealth spokesperson Shirley Domingo na sinuspinde ang Memorandum Circular 2021-0013 kasunod ng dayalogo ng mga ospital at ni Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Umaasa si Poe na sa pagsusupinde ng memorandum circular, mapapabilis ang pagbabayad ng claims at ang buong proseso nito.
Iginiit ng senador na hindi na katanggap tanggap ang delay pa sa pagbabayad ng mga claims lalo’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Ipinaliwanag pa ni Domingo na nananatili ang memorandum mula pa noong 2016 at ipinatupad lang ito sa 28 ospital sapul noong 2019.
Wala rin anyang hospital claim payment ang sinuspinde ng PhilHealth sa panahon ng pandemya. (DDC)