Big Ticket Projects ng DBM-PS dapat itigil muna
Iginiit ni Senador Joel Villanueva na dapat itigil muna ang paggamit sa Procurement Service ng Department of Budget and Management bilang buying arm sa ‘big-ticket projects’ hangga’t hindi nalilinawan ang lahat ng kontrobersiyang kinasasangkutan nito.
Sinabi ni Villanueva na dapat magkaroo ng moratorium sa nakaugalian ng mga ahensya na ilipat ang malalaking pondo sa PS-DBM para sa bidding ng mga produkto o proyekto.
Inilarawan ng senador ang ahensya bilang balde na tadtad ng butas na kung magpapatuloy ang daloy ng pondo ay marmaing masasayang.
Naniniwala ang senador na mas magiging maayos ang bidding kung mismong ang ahensya na nangangailangan ng mga gamit o proyekto ang magsasagawa nito at hindi na dadaan pa sa PS-DBM.
Hindi na rin anya kailangan pang magbayad ng kumisyon sa middleman na nagsisilbing papel ng PS-DBM.
Tulad ng ibang senador, naniniwala si Villanueva na pangunahing rason sa paggamit sa PS-DBM ay upang mapalawig ang validity ng pondo.
Nilinaw naman ng senador na hindi niya ipinapanawagan ang tuluyang paghinto ng operasyon ng PS-DBM bagkus ay para lamang sa mga bagong kontrata. (Dang Garcia)