E-Sabong tinalo na ang mga POGO sa laki ng binabayarang buwis – PAGCOR
Aminado ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na tinalo na ng e-sabong ang pogo operations pagdating sa pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Pagcor Chairperson Andrea Domingo, “maraming mga online casino o POGO ang nagsara ngayong pandemic”.
Nag-alala aniya ang naturang ahensya kung saan na kukuha ng revenue na kailangang-kailangan pa naman ng bansa bilang pantustos sa mga kailangan ng pamahalaan para labanan ang COVID-19.
“But when E-Sabong started in May this year, we already made around P3.5 billion in revenues,” ayon kay Domingo.
Ayon pa kay Domingo, “P350 million to P400 million kada buwan ang kinikita ng Pagcor sa online sabong”.
Sa kasalukuyan may apat na kumpanya na ang nag-ooperate ng e-sabong sa bansa.
Plano ni Domingo na gawing 12 ang online sabong operators para mas malaki pa raw ang kikitain ng ahensya.
Napag-alaman na unang nag-apply at naaprubahan ng permit to operate ng Pagcor ang Lucky 8 Star Quest Inc. na siyang nagpapatakbo ngayon ng Pitmaster Live na pag-aari naman ni Charlie “Atong” Ang.