COVID recovery budget para sa 2022 suportado ni Sen. Go
Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography panukalang pambansang budget para sa taong 2022.
Paalala ng senador sa mga ahensya ng gobyerno, para maaprubahan ang mga panukalang budget dapat matiyak nilang bawat halaga ng budget ay magagamit ng tama at naayon sa batas.
“Pagdating naman sa paggasta ng pondo ng bayan, ang palaging attitude ni Pangulong Duterte, dapat walang matulog na pera. Kung ano kailangan gastusin, gastusin. Hindi dapat mabagal o matagalan ang serbisyo sa tao,” ayon sa senador.
Tiniyak din ni Go na suportado niya ang alokasyong pondo para sa health sector, lalo at nahaharap ang bansa sa pandemya ng COVID-19.
Siniguro ni Go na masusisi ang gagawing pagsusuri sa panukalang budget para sa kalusugan upang matiyak na sapat ang pondo sa COVID-19 response ng bansa.
Ang panukalang budget ng Department of Health (DOH) para sa taong 2022 ay 16.5% na mas mataas sa 2021 budget nito na P139 billion.
Gagamitin ang pondo para maituloy na pondohan ang pagbili at pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19 virus, gayundin ang pagbili ng gagamitin para sa booster shots.
Gagamitin din ang pondo para sa funds pagpapatupad ng Prevention, Detection, Isolation, Treatment, and Reintegration strategy, emergency hiring ng 6,810 COVID-19 Human Resources for Health, at hiring at deployment ng 26,035 health professionals sa mga public at private hospitals.
Maglalaan din ng pondo upang matiyak na ang mga DOH hospitals lalo na sa Metro Manila, at mga DOH regional hospitals at iba pang health institutions, ay magpapatuloy ang operasyon.
May pondo rin na ilalaan para sa One Hospital Command Center para mas mapagbuti pa ang coordinated response sa pandemya.
Habang may inilaan din na pondo para sa Health Facilities Enhancement Program, na gagamitin upang magtayo, masaayos at i-upgrade ang mga health facilities, gayundin ang pagbili ng medical equipment at ambulansya.
Popondohan din ang infectious disease prevention and control at ang National Health Insurance Program.
Gayundin ang pagkakaroon ng medical research and development pang maging handa ang mga bansa sa mga pagtama ng pandemya at iba pang health emergencies.
“Suportado ko po ang proposed budget ng DOH dahil alam kong malaki ang maitutulong nito upang makabangon tayo mula sa pagsubok na dulot ng pandemya. Patuloy ko ring ipaglalaban ang pagkakaroon ng access ng lahat ng mga Pilipino sa quality healthcare services sa bansa na siyang pinaka-kailangan natin sa panahong ito,” paliwanag ni Go. (DDC)