Nuisance candidates parurusahan kapag naisabatas ang panukala ni Samar Representative Sarmiento
Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas para sa epektibong pamamaraan sa pagtukoy ng nuisance candidate at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga violator na magtatangkang tuyain ang integridad ng halalan.
Sa botong 191-0-0, inaprubahan ng mababang kapulungan ng kongreso ang House Bill 9557 na iniakda ni Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento.
Pinasalamatan ni Sarmiento, chairman ng House Committee on Transportation, ang liderato ng Kamara sa mabilis na pagpasa ng panukalang batas, sa pagsasabing sa pamamagitan nito ay mapapanatili ang integridad ng eleksyon.
Sinabi rin ni Sarmiento na ang inakda niyang bill ay upang matiyak na ang totoong gusto ng mga tao ang lalabas sa resulta ng halalan.
Sa mga nakalipas na eleksyon ay pinapayagan ang mga nuisance candidate na maghain ng certificates of candidacy, sa kabila ng ang layunin ng kanilang pagtakbo ay mabawasan ang tsansa na manalo ang ibang kandidato.
Sa ilalim ng HB 9557, minimum na 100,000 pesos na multa ang ipapataw sa indibidwal na naghain ng kandidatura para tuyain lamang ang proseso ng halalan.
Papatawan din ng 100,000 pesos na multa ang sinumang nakikipagsabwatan sa nuisance candidate. (Ricky Brozas)