Halagang P50,000 na ipon ng isang delivery man pinalitan ng BSP matapos kainin ng anay
Pinalitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang halos P50,0000 na halaga ng ipon ng isang 70-anyos na ice delivery man.
Ayon sa BSP sa loob ng 30 taon ay pagde-deliver ng yelo ang ikinabuhay ni Adonis Buemia.
Gamit ang ipon mula sa nasabing trabaho ay nakabili sya ng maliit na bahay, brand-new tricycle, at nakapag-ipon ng P50,000 mula sa P300 per day nyang kita.
Ang ipon nyang 100 kada araw ay itinatago ni Buemia sa cabinet sa kaniyang bahay.
Gayunman nagulat na lamang ito isang araw nang makitang butas-butas na ang mga ipong pera dahil kinain ng anay.
Sa tulong ng isang programa sa telebisyon ay nailapit sa BSP ang problema ni Buemia.
Agad nagsagawa ng pre-evaluation ang BSP Currency Policy and Integrity Department (CPID) sa mga inanay na pera ni Buemia.
Inatasa naman ni BSP Acting Deputy Director Nenette Malabrigo ang banko malapit kay Buemia na palitan ang mga salapit nito.
Payo ng BSP sa publiko para maiwasan na masira ang perang ipon, dapat ay itago o ilagak ito sa BSP-supervised financial institutions.
Ayon sa BSP nagpalabas na sila ng circular na layong maging nadali para sa mga ordinaryong mamamayan ang makapagbukas ng account sa pamamagitan ng Basic Deposit Account (BDA).
Ang BDA ay abot-kaya, madaling i-access at pwedeng buksan ang ganitong account kahit walang valid IDs.
Ang ganitong uri ng deposit accounts ay mangangailangan lamang ng P100 o mas mabababa pa bilang paunang deposito at wala din itong maintaining balance. (DDC)