Special Risk Allowance, hindi dapat limitado sa healthworkers sa COVID-19 wards ayon sa mga senador
Dismayado si Senador Joel Villanueva sa kabiguan ng Department of Health na maipamahagi sa mga healthworkers ang lahat ng kanilang pondo para sa special risk allowance.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestyon ni Villanueva kung bakit sa P9.02 bilyong pondo para sa special risk allowance, P6.93 bilyon lang ang nagastos.
Samantala, kinastigo nina Senador Richard Gordon at Franklin Drilon ang DOH sa paglilimita sa mga healthworkers na nagsisilbi sa COVID 19 wards ang pagbibigay ng special risk allowance (SRA) at active hazard pay.
Binigyang-diin ni Senador Richard Gordon na lahat ng medical workers sa mga pagamutan ay dapat na makatanggap ng benepisyo dahil lahat naman ay na-eexpose sa virus.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sinusunod lamang nila ang probisyon sa Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2, na nagsasaad na ang benepisyo ay para sa mga healthcare workers na may direktang kontal sa COVID 19 patients.
Iginiit naman ni Gordon na mayroong God-like powers ang DOH at maaari silang maging liberal sa pagpapatupad ng batas.
Kinatigan naman ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at iginiit na dahil social benefit ang mga benepisyong pinag-uusapan dapat lamang na maging maluwag sa pagpapatupad ng batas. (Dang Garcia)