Takeover ng national government sa pamamahagi ng ayuda, hindi makatutulong ayon kay Sen. Recto
Nagbabala si Senador Ralph Recto na hindi makakatulong sa taumbayan kung ite-take over ng mga national government agencies ang pamamahagi ng ayuda.
Sinabi ni Recto na ang mga lokal na pamahalaan ang nakakaalam kung paano mas mapapadali ang pamamahagi ng cash aid sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang maigi anya ay ang bayanihan sa pagitan ng local at national governments.
Hindi anya makatwiran na gawing national government activity ang isang bagay na kinakailangan ng local government participation.
Ipinaliwanag ng senador na mas kabisado ng city hall people ang mga kasuluk-sulukan ng kanilang lugar, pati mga eskinita kaysa naman doon sa mga central office bureaucrats.
Nagbabala pa ang mambabatas na magiging malaking disaster kung ang ayuda na inaasahan ng taumbayan sa panahon ng lockdown ay made-delay. (Dang Garcia)