KALBARYO SA BAKUNA: Mga residenteng magdamag pumila bigong makapagpabakuna

KALBARYO SA BAKUNA: Mga residenteng magdamag pumila bigong makapagpabakuna

Magdamag na pinilihan ang binuksang drive thru vaccination ng Pamahalaang Bayan ng Montalban.

Alas 8:00 ng umaga ng Miyerkules (August. 11) ang simula ng bakuna batay sa anunsyo ng pamahalaang bayan, pero gabi pa lamang ng Martes mahaba na ang pila sa drive thru vaccination site sa Barangay San Jose.

Dahil dito, nagpasya ang pamahalaang bayan na paalisin ang mga pumilang sasakyan lalo pa at mayroong curfew na umiiral sa lalawigan ng Rizal mula alas 8:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.

Ayon sa mga residente, nang bumalik sila sa pila para sa drive thru alas 12:00 ng hatinggabi ay marami na ulit sasakyan na nakapila.

Mula sa Montalban Sports Complex sa Barangay San Jose na pagdarausan ng drive thru vaccination ay umabot sa humigit-kumulang apat na kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan.

Dahil dito, ang drive-thru vaccination na ang tunay dapat na layunin ay maginhawang pagbabakuna sa mga residente ay nauwi sa labis na perwisyo hindi lamang sa mga pumila ng magdamag kundi maging sa mga motorista at mga nagtatrabaho na na-traffic ng husto Miyerkules ng umaga.

Nabatid na 400 na slot lamang ang inilaan para sa nasabing drive thru, at maliban sa mga nakapagparehistro online ay pinayagan ng LGU ang walk-in o ang mga hindi rehistrado.

Ayon sa isa sa mga pumila sa drive-thru na si Jiziel Pacu-an, alas 12:00 ng madaming araw nang sila ay pumila sa drive-thru at pang-27 na ang kanilang sasakyan.

Nagtiyaga silang maghintay kasama ang kanyang ama at tiyuhin na mayroong comorbidities.

Alas 7:30 ng umaga nang magsimulang umusad ang pila, gayunman, hindi man lamang sila umabot sa mismong vaccination site dahil sinabihan silang ubos na ang 400 doses ng bakuna.

“Sobrang nakakalungkot na pangyayari di pa man nakakalayo mula sa aming pinanggalingan pila ay ubos na daw ang 400 vaccine? Nakakapagtaka paano pong naubos agad ang vaccine gayong hindi pa nakakapasok sa oval ang mga nakapila sa Riverside? Ano pong nangyari? Mga tanong na walang sinuman ang nakasagot sa mga taong pumila at wala halos tulog sa magdamag sa kagustuhang mabakunahan? Ano po ang nangyari sa ating sistema?” ayon kay Pacu-an.

Hindi lamang si Pacu-an ang nakaranas ng ganitong sitwasyon kundi ang napakarami pang pumila sa nasabing drive thru. (BVD)

(PHOTO COURTESY: RACHEL ANN OCAMPO)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *