Mga ahensya ng gobyerno, hinimok na palawakin ang mga programa sa pagbibigay ng trabaho sa mga apektado ng pandemya

Mga ahensya ng gobyerno, hinimok na palawakin ang mga programa sa pagbibigay ng trabaho sa mga apektado ng pandemya

Iginiit ni Senador Imee Marcos na ang cash aid o ‘ayuda’ ay di lang para sa pinansyal na pangangailangan kundi dapat gamitin upang makarekober at makalikha ng mga trabahong papasukan.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs na pwedeng pag-isahin ang distribusyon ng ayuda sa pagre-recruit ng mga manggagawa, hindi lang para mapababa ang unemployment rate sa bansa kundi para mapreserba rin ang respeto sa sarili ng mga Pinoy na handa namang magtrabaho pero nahihirapang makahanap sa gitna ng pandemya.

Bagamat nanatili sa 7.7% ang unemployment rate noong Hunyo mula sa mas mataas na bilang noong Pebrero na nasa 8.8%, sinabi ni Marcos na inaasahang sisipa na naman ang numero ng mga Pinoy na walang trabaho na nasa 3.73 million sa kasalukuyan.

Sinabi ni Marcos na ang bilyun-bilyong inilalaan para sa ayuda ay pwedeng magamit para palawakin ng Department of Labor and Employment ang kanilang mga cash-for-work program para sa formal at informal workers sa ilalim ng CAMP(Covid-19 Adjustment Measures Program) at TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program).

Maging ang Department of Public Works and Highways at Department of Social Welfare and Development ay mayroon ding mga cash-for-work program na dapat mas maiging pondohan para makapagbigay ng mas maraming trabaho, dagdag pa ni Marcos.

isinusulong ni Marcos na pag-isahin ang legislative measures sa mga subsidiya sa sweldo at mga cash-for-work program para sa mga skilled at unskilled workers sa buong panahon ng pandemya, sa pamamagitan ng Senate Bill 1590, o mas kilala bilang Trabaho sa Oras ng Pandemya (TROPA) Act.

Sa ilalim ng TROPA bill, maaaring makalikha ng trabaho sa mga tanggapan at project site ng gobyerno, o anumang programa ng gobyerno na may kinalaman sa proyektong pang-imprastraktura, health, paglilinis at pangangalaga sa kalikasan at sa mga pag-aaring imprastraktura ng gobyerno, reforestation, flood control, mga conservation project, pagpapaganda ng mga national park, mga kagubatan at mga historical site sa bansa. (Dang Garcia)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *