4 patay makaraang ma-suffocate sa fish storage ng sinasakyang fishing boat sa Zamboanga City
Patay ang apat na crew ng isang fishing boat makaraang ma-suffocate habang naglilinis ng fish storage sa karagatang sakop ng Brgy. Talisayan, Zamboanga City.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard District Southwestern Midnanao, nasawi sa suffocation ang mga crew ng FV Julius 558 na nakilalang sina Joseph Oro, boat captain; Marjon Oro, third mate; Charlie Caspe, crew; at Billy Lamag, crew.
Asphyxia secondary to drowning ang ikinasawi nina Josep at Marjon Oro habang Acute Respiratory Distress Syndrome Secondary to Toxic Inhalation of Unknown Gas ang ikinasawi naman nina Caspe at Lamag.
Sa salaysay ng chief engineer ng barko na si Sonny Morales, inatasan ng boat captain na si Oro sina Marjon at Billy na linisin ang fish storage compartment.
Ilang minuto ang lumipas ay narinig ng boat captain na humihingi ng tulong ang dalawa dahil hindi sila makahinga kaya nagtungo din ito sa storage kasama ang isa pang crew na si Caspe.
Ayon kay Morales nakita na lamang niyang pawang wala nang malay ang apat na crew kaya agad siyang humingi ng tulong.
Pagdating sa YL Wharf sa Talisayan, Zamboanga City ay agad dinala sa ospital ang apat pero idineklara silang dead on arrival.
Tiniyak naman ng kumpanyang may-ari ng fishing boat na tutulungan ang pamilya ng mga nasawi. (DDC)