DTI at PNP, hinimok na kasuhan ang profiteers at hoarders
Mahigpit na pinababantayan ni Senadora Imee Marcos ang mga pamilihan, supplier ng medical equipment at supermarkets sa NCR plus at iba pang lugar kung saan napaulat ang panic buying at hoarding ng mga taong may kakayahang bumili ng sobrang stocks.
Kinakalampag ni Marcos, chairperson ng Senate committee on Economic Affairs ang DTI at PNP na imonitor at kasuhan ang mga consumer na sobra-sobrang bumili ng mga produkto para hindi maubusan ang ibang nangangailangan.
Tinukoy ni Marcos ang ulat na nagkakaubusan na ng oxygen tanks at accessories nito sa Cebu city at Aklan dulot ng biglaang pagsipa ng COVID-19 cases.
Nagbabala si Marcos na maaaring maharap sa mabigat na parusa ang sinumang hoarders at profiteers sa ilalim ng Consumer Act or Republic Act (RA) No. 7394 at Price Act o Republic Act 7581.
Para maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, iminungkahi naman ni Marcos na magpatupad muli ang gobyernong 60-day price freeze sa essential goods at medical supplies and equipment, kabilang na ang oxygen tanks simula sa Aug. 6. (Dang Garcia)