Pondo sa TUPAD Program, gamitin dapat sa pagkuha ng dagdag na contact tracers – Sen. Villanueva
Umapela si Sen. Joel Villanueva sa gobyerno na gamitin ang P19 bilyon na employment assistance fund na nasa ilalim ng pangangalaga ng DOLE para pondohan ang karagdagang tao para sa contract tracing sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Villanueva na ang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers” o TUPAD program ay maaaring magamit upang bumuo ng mala-Delta Force na pwersa na tutulong sa tracing at pagkalap ng travel history ng mga taong nagpositibo sa virus.
Binigyang-diin ni Villanueva na dahil sa delta variant kailangan na magagaling contact tracers din ang kunin ng gobyerno upang matiyak na mate trace ang lahat ng nakasalamuha ng mga taong positibo sa virus.
Sa ilalim ng national budget sa taong ito, may P19 bilyon na nakalaan para sa TUPAD at Government Internship Program na pondong ipinaglaban ni Villanueva na maisama sa 2021 general appropriations bill.
Ang programa ay nagbibigay ng emergency employment sa mga nawalan ng trabaho, mga underemployed at yung mga seasonal na manggagawa sa mga komunidad, kung saan pansamantala silang babayaran para sa gawain sa kanilang mga lugar. (Dang Garcia)